Better Together
Naging napakabuti mong kabiyak at buong pusong
tinanggap ang hamon ng buhay may asawa kung anuman ang ilaan sa atin ng
tadhana.
Napakapalad natin na hindi naman tayo
hiniwalayan ng iyong pamilya upang magaan nating balikatin ang buhay magasawang
inilaan sa atin ng kapalaran.
Bagaman hindi tayo nabiyayaan ng supling, malugod
nating tinanggap ang isat-isa sa likod ng ating mga kakulangan at walang dudang
niyakap ang bawat isa, patuloy pang pinagyaman at magiliw na isinabuhay ang
pagmamahalan natin. Hindi naging dahilan
kailan man ang kakapusan bagkus naging kasangkapan pa upang sa tuwina ay ipalagay
natin ang kasabikan na tila panahon ng “pulot-gata” ang bawat sandaling
darating.
Maraming mga bagay ang tayo ay magkatugma. Bagaman sa katagalan, madami din palang mga
bagay na malaon nating napag alaman tayo ay dalawang tao na may magkasalungat
na katangian. Extrovert ka habang ako naman ay ang kabaliktaran. Sa kabila nito, we lived a comfortable life
condoning each other’s weaknesses. At
kapag dumarating ang mga sandali nang hindi pagkakatugma, ikaw agad ang
nagpaparaya. At sa paraan mo namang iyon
labis kitang hinangaan kung kaya hindi ko kailanman binawasan ang pagtingin ko
sa iyo. Sa halip, pinagsumikapan pang
dagdagan ang pagmamahal sa tuwina bilang tugon.
Isinilbi ko ang buong kakayahan kong magmahal ng tapat at walang
pag-iimbot.
Kahanga-hanga ka, hon. Kailan man hindi ko
nadama na nag alinlangan ka sa iyong pagmamahal sa akin. Ang iyong suporta sa mga bagay na
kinagigiliwan ko ay labis-labis. Para sa
iyo, hind mo man pansariling kasiyahan, sinangayunan at pinahalagahan ang bawat
kaalamang tinuklas upang sa paglaon ay masikap na isabuhay at yakapin ang
larangan kinalalagyan ko. Tinalikuran mo
ang iyong mga pinaglilibangan kapalit ng sa akin: maayos na kalusugan, malayo
sa karamdaman at masiglang pangangatawan ang naging kasangkapan natin upang
maging handa, maglakbay sa mga lugar at makapagdulot ng kasiyahan at malawak na
kaalaman sa buhay. Sabi mo nga “we are
better together” at tinatawag ang ating sarili na “wanderduo”. Muli pa, ang
kagiliwang iyon ang nagpahigpit ng ating bigkis bilang mag asawa, magkaibigan,
at magiliw na magkatuwang sa buhay.
Patuloy nating maalab na pinagsaluhan ang bawat
sadali na tayo ay magkasama. Mahigpit
ang tangan mo sa akin kung kaya masigasig kong pinangalagaan ka, malayo sa
anumang banta na maaring makapaghihiwalay sa atin. Ang tiwala sa isat-isa ang ating tugon sa
anumang hamon na dumarating: matiwasay at maginhawa ang buhay at pag-ibig
natin.
Sa paglipas ng panahon, bukas sa ating malawak
na kaisipan ang kamatayan. Alam nating
darating iyon kung kaya nabuhay tayo “one day at a time”, sulitin natin ang
bawat sandali at manalangin na maisakatuparan pa natin ang ating mga nais:
Magkasama, magkayakap, magkabigkis.
Hiniling natin sa poong Maykapal na magkasabay sana tayong pumanaw at
pinanghawakan natin iyon bilang mabisang tugon sa takot ng pangungulila. Kung kaya ang bawat takot sa ating mga
paglalakbay ay itinuring nating tamang pagkakataon at takdang sandali sa
inaasam nating kahilingan…….ang sabay na mabilis pumanaw sa mundo.
Mga puting buhok, mga kulubot sa mukha, ang
pangangailangan ng salamin sa mata at ang pag asam sa kakaunting pagkain sa
hapag ay sapat na. Unti unti nating
niyakap ang ating pagtanda. At sa aking
ika-58 na kaarawan, tinuruan mo akong manalangin: Maayos na kalusugan at kaisipan,
hinahon at tamang disposisyon sa pakikitungo sa lahat at maging mapagpasalamat
sa mga biyayang kaloob ng Panginoon.
At ang iyo namang panalangin…bigyan ka pa ng
mahabang buhay upang makasama pa ako ng matagal. Ang pagpapasalamat sa lahat ng biyayang
nakamit, ang pagsisisi kung meron mang nagawa o hindi ginawa na labag sa
kagustuhan ng Diyos. Sa kabila ng lahat
ng mithiin, ang pagbabaubaya sa anumang itinalaga ng Panginoon. Bagaman may lungkot ay buong-buo niyang pinagpasiya
at itinataas sa Maykapal, Kung sumapit ang sadali ng pamamaalam, hiling na mabilis
at walang bahid ng takot ang mararanasan ng sinuman sa atin. Hindi man sorpresa ngunit walang hirap kang
lilisan, payapa at walang pangamba sa kalagayan ng mga maiiwan.
At naganap na nga. Lumisan ka at ako ang
natira. Hindi man sabay ayon sa ating
kahilingan, batid kong iyon ay tinanggap mo at ako namay gayon din. Ngayon wala
ka na…unti unti kong binubuo sa aking mga alaala ang bawat sandaling kausap
natin ang Diyos sa ating mga panalangin.
O aming Panginoong mahal, lubos po ang aking
pasasalamat sa buhay na ipinagkaloob mo kay Debbie. Kung dati ay nagdududa ako
na hindi napagbigyan ang lahat ng kanyang dalangin…..ngayon napagtanto ko at
naintindihan ang lahat.
Sa kahilingan niyang biyayaan pa siya ng
mahabang buhay upang kami ay matagal pang magkasama:
Buong lugod ko pong napagtanto taong 2016,
nakaligtas si Debbie sa isang major illness na matagal na pala niyang dinadala.
Bago ko pa maintidihan ang lahat, ipinagkaloob na po ninyo agad ang dugtong na buhay
ni Debbie upang magkaroon pa kami ng pagkakataon magkasama ng matagal.
Ang mga panahon bago pa sumapit ang taong 2016,
passionate ako sa aking mga interests. Guilty ako na madalas kong iniiwan si
Debbie upang patuloy kong papagibayuhin ang aking karanasan na aking
pinagkakakitaan. Sa aking mga
paglalakbay, naiiwan magisa ang aking si Debbie, nangungulila, nalulungkot at
nababalisa sa aking kalagayan. Batid ko
man ang kanyang nadarama, patuloy ko pa rin isinakatuparan ang aking mga
gawain. Kalagitnaan ng taong 2016 din
bago pa ang malubhang pagkakasakit ni Debbie, naaksidente ako at nadurog ang
aking kanang paa. Kailangan manatili sa
bahay ng matagal para makapagpagaling na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ko pa
ring sinisikap mapabuti. Isang paraan na
ngayon ko lang napagisipan bagaman mahirap na mga pangyayari para sa amin
ngunit ito pala ang naging mabisang paraan upang kami ay magkasamang magdamayan
sa aming mga pangangailangan. Hindi ko na iniwan si Debbie mula noon dahil
hindi na rin ako nakabalik sa larangang aking pinagkakaabalahan. Bunga nito,
iginugol na lamang ang aming mga sarili sa grupong aming binuo. Kasama si
Debbie, naging kabahagi siya ng mga gawain ng grupong AHON. Isang grupong,
hindi man kasing tayog ng aking kinabibilangang larangan ngunit sa maraming
paraan…maisasama ko si Debbie sa mga gawain ng AHON. Hindi ko na siya iniwan
mula noon.
Taong 2022. Sa isang hiking activity ng AHON,
naaksidente si Debbie. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, natagpuan na lang niya
ang sarili na naka salampak sa lupa, walang natatandaan na sanhi, walang
nararamdaman na sakit ngunit naganap iyon at walang maisip na paliwanag sa
pangyayari. Hulyo 3, 2022 tiningnan ko
sa aming AHON FB page photo album. Wala
akong mahagilap na paliwanag at pagtimbang sa nangyari.
Taong 2023, buwan pa rin ng Hulyo, isa na naman
malubhang health challenge ang humarap sa amin. Fractured left Illiac bone at
ischium na kailangan ng masinsinang gamutan upang maiwasang lumala. Matagal na gamutan ang hinarap ni Debbie. Ako
ang kanyang lakas at siya ang aking sandigan. Sa lahat ng sandali pinagibayo ko
pa ang pagkalinga sa kanya hanggang sa siya ay tuluyang gumaling. Nalampasan na naman namin ang udyok nang aming
paghihiwalay.
Sa mga pangyayaring iyon, naisip ko lang: ito
ba ay mga paala-ala, babala ng paghahanda at pagtanggap na darating na ang
takdang sandali? Sa aking kakarampot na
kaisipan, hindi matukoy sa aking kamalayan kung ano ang tunay na layon ng mga
pangyayari.
Hulyo 22, 2024, ganap na 7:49 ng umaga sa aking
mga bisig dumating ang takdang sandali ng paglisan ni Debbie. Walang wala sa
kaisipan ko na mangyayari iyon. Ika-10 araw namin sa ospital dahil sa sakit
niyang Pneumonia. Isang karamdamang ni sa aking hinagap ay babawi sa kanyang buhay.
Walang pasintabi, wala sa kamalayan ko na darating iyon. Mabilis, walang
pasubali, sa pagtangan ko sa kanya upang maghanda sa advise ng kanyang doctor
na Ultrasound…wala na siyang buhay nang akin siyang inilapag sa kanyang higaan.
Agad-agad, lumisan na siya. At kahit
anupang paraan ng mga pilit sumagip sa kanyang buhay ay wala na ring nagawa. Umalis na ang aking si Debbie tahimik, bigla,
payapa.
Mula 2016 hanggang 2024 ay hind na nga maiksing
panahon. Marubdob ko pong pinasasalamatan Panginoon ang pagpapaubaya ninyo na
matupad ang dalangin ni Debbie: mahabang panahon na aming pagsasaluhan, pagsasamahan
bilang magkabiyak at magkabahagi sa buhay. Maraming Salamat po!
Sa mga panahon na kami’y magkasama, sa kumpas
ng pagkakataon ay tunay na hindi kami nagkalayo, magkasama sa lahat ng aming
mga paglalakbay. Ang aming mga karamdaman ang nagsilbing pagitan upang
maipadama namin ang aming pagmamahal sa isat-isa. Hindi naging hadlang ang aming
mga karamdaman na pinagaling mo, aming
Panginoon upang mailaan namin ang mga sandali sa masigla, masaya at mga ala-ala
ng dalisay naming pag-ibig hanggang sa pagdating
ng takdang sandali
Natupad na at ako ngayoy nangungulila. Ngunit
sa kabila ng pag-iisa patuloy ko pong ipinahahayag ang aking taos pusong
pasasalamat sa buhay at pag-ibig na ipinagkaloob mo sa amin ng aking si Debbie.
Akin pong pagsamo at panalagin, naway
magawa ko nang mabuti at matuwid kung ano pa ang pakay ko dito sa daigdig. At
pagdating ng pamamaalam, sa dulo ng aking hiram na buhay, ako’y lilisan ng tahimik,
bigla at payapa. Tuloy maglalakbay nang taimtim tungo sa kapayapaan.
Akayin mo po ako, o Diyos at ipauubaya sa iyo:
Tanganan ng mahigpit, sakupin ng buo
Sa landas na tunguhin, patuluyin mo po ako
Ipagkaloob nawa sa akin ang Kaharian mo
At doon sa kapayapaan, meron po akong hiling
Aking pinakamamahal, Ipakita po ninyo sa akin
Mahawakan, Mayakap at muling makapiling
Pagibig sa kabilang-buhay ang pagsamo at
dalangin

Comments
Post a Comment